Unibersidad ng Pilipinas, Diliman
Departamento ng Filipino at Panitikang Pilipino
AY 2010-2011
Ang Etno-epikong Pilipino bilang rekonstruksyon ng ideyal na Pinuno ng Bansa: isang kontekstwalisasyon ng mga etno-epiko at re-depinisyon ng “lider” sa lipunang Pilipino
Isinumite kay:
Gng. Noemi Rosal
bilang panghuling papel sa
PanPil 103-WFV1
Isinumite ni:
Ruth N. Ibarrientos
2008-17003
PAGPAPAKILALA
Kaligiran ng Pag-aaral
Ang sabi ni Lamarck, “What you don’t use, you lose.”[1]
Buhay na pagpapatunay sa asumpsiyon ni Lamarck ang bansang Pilipinas. Ang bangus o milk fish na ating pambansang isda ay inekspiremento na ng mga Hapones bilang alternatibong pagkukuhaan ng calcium bukod pa sa karne ng baka. Walang bangus sa kanilang bansa kaya’t kinailangan pa nilang tumungo sa ating bansa at magpaalam pa sa ating gobyerno upang mapag-aralan lamang ang ating mga bangus. Natuklasan nga nilang napakayaman ng bangus sa calcium, sapat na upang maging alternatibo sa lumalalang foot-and-mouth disease sa kanilang bansa. Pina-patent na nila ang kanilang ekspiremento at patuloy na ginagamit ngayon sa kanilang bansa. Sumakatwid, ang mga Hapones ang nakinabang sa daan-daang bangus na ayaw pa ngang ulamin ng maaarteng mga bata. Pinagtatawanan nga nila tayo. Sa isip-isip siguro nila, ang bobo naman ng mga Pilipino.[2]
Maging ang sari-saring uri ng mga prutas dito sa Pilipinas ay pinakikinabangan na rin ng isang Hapones at Europeo na magkatambal sa isang malaking negosyo. Ginawa nilang palaman o filling sa kanilang produktong tsokolate[3] ang mga katutubong prutas sa Pilipinas katulad na lamang ng mangga, saging, durian, guyabano, at isipin mo na lang kung gaano pa kadaming prutas sa Pilipinas. May isang negosyante rin sa Amerika na gumawa ng ‘Philippine fruit halo-halo’[4]. Patok na patok ang negosyo niya at yumaman siya. Ang galing talaga ng bansa natin—kuhaan ng ‘good quality resources’ tapos sila ang yumayaman habang tayo naman, naghihirap na lang lalo.
Marami pa talagang kuwentong katulad ng mga iyan sa Pilipinas, at patuloy na dadami iyon kung mananatiling nakapikit ang ating mga mata. Ang mga perlas, ang mga ginto, ang mga halaman at hayop, ang mga lupain, ang mga kababaihan, ang mga kalalakihan, ang mga kabataan ay patuloy lamang mananakaw kung hindi natin sila ‘aangkinin’ hanggang sa maubos na lamang lahat ang kung anumang mayroon tayo. Masyado kasi tayong nakatingin sa iba. Pilit nating inaangkin ang mga bagay na hindi naman sa atin at hindi mapapasaatin kailanman. Pilit nating hinahanap ang sarili sa iba. Mga bulag tayo na nakaupo sa isang bundok ng ginto.
Tama nga ang aking kaibigang si Ginoong Anil, isang Indian National, nang sinabi niyang “your identity [as Filipinos] is not lost. It is just in the sides and someone has just to bring it at the center where the people would see it. Someone has to dig... and make it known to the people. And the people will naturally come to it, because they know—they own it and they belong to it. There’s just so much here in your country. You just have to discover. Someone has just to dig, and inspire”.[5] Totoo. Napakarami ngang imbak na yaman ng ating bansa—kasama na doon ang ating mga epiko.
Ano nga ba ang epiko? Ang epiko, sa simpleng paliwanag, ay ang kuwento ng isang lahi. May mga bansang walang epiko kaya’t lumilikha sila ng sarili nilang epiko. Ito yun tinatawag na ‘modern epic’. Halimbawa sa mga ito ay ang Lord of the Rings at Star Wars. Kung iisipin, hindi naman nila kailangang gumawa ng epiko pero bakit ipinipilit pa rin nila? Kasi, pakiramdam nila hindi kumpleto ang kanilang pagkatao. Kahit sino naman ay kailangan ng kuwentong babalik-balikan—isang kuwento ng pagsisimula, ang kuwento ng kanilang lahi na magpapadama sa kanila ng “sense of uniqueness” mula sa ibang lahi.
Gayunpaman, lubhang ironiko ang kalagayan ng mga epiko sa Pilipinas. Habang hindi maitatangging napakaraming epikong Pilipino, hindi rin maitatangging napakaliit na pansin ang ibinibigay sa mga ito. Madalas, mababasa lamang ang iisang kabanata ng isang epiko (kadalasan Hudhud o Biag ni Lam-ang) sa ilang pahina ng aklat pang-elementarya o pang-hayskul na minsa’y hindi naman na binabasa pa. Kadalasan tuloy, mas maalam pa sa Iliad at Odyssey ng mga Griyego ang mga Pilipino.
Paglalahad ng Suliranin
Lubhang problematiko na hindi kilala ng mga Pilipino ang kuwento ng sariling lahi o ang mga sariling epiko bilang nararapat lamang para sa mga tao na maging malay sa kuwento ng sariling lahing kinabibilangan. Usapin ng pagkakakilanlan o identidad—parehong personal at kolektibo—na kasi ang usapin dito kaya’t lubhang seryosong suliranin na lamang talaga ang pagkawala ng alaala ng mga tao patungkol sa sariling lahi[6]. Ang sabi nga ni Lamarck, “what you don’t use, you lose”. Kasabay nito, hindi rin malayong mangyari na isang araw, biglang angkinin na lamang ng mga dayuhan maging ang mga asepto ng “pagkatao” ng lahing Pilipino. Gayunpaman, hindi na ako makapapayag pa na maging ang ‘kuwento ng aking lahi’, ang mga epikong Pilipino, ay manakaw pa. Dahil dito, tatangkain ko sa papel na ito ang isang pasimula sa ‘re-trending’ sa larangan ng iskolarship ng mga epiko—ang kontekstuwalisasyon ng mga etno-epiko sa kasalukuyang panahon.
Kung hindi kaagad matutugunan ang ganitong uri ng suliraning pang-pagkakakilanlan at pang-nasyon, mga pangunahing suliraning umusbong dahil sa pananakop, ay patuloy na mawawalan at mananakawan ang mga Pilipino hanggang sa tuluyan na lamang maubusan ng yaman ang Pilipinas at ang mga Pilipino.
Kaugnay ng nabanggit na suliranin ay ang mga konsepto ng “okay na ‘yan” at “puwede na iyan”—ilan sa mga piraso ng pagka-mediyokre[7] na nanggaling sa mga mananakop at isang lason mula sa kolonyalisasyon na hindi magamot-gamot. Sa pagiging bahagi ng nga ng mga salitang ito ng kulturang Pilipino, nabatid kong tanggap na lamang talaga ng mga Pilipino ang katuturan at konsepto ng ‘pagiging mediyokre’. Lubhang nakaaalarma para sa isang lipunan ang masiyahan na lamang sa mababang pamantayan kaya naman naisip kong magmungkahi ng isang konkretong pamantayan na maaaring gawing basehan ng mga Pilipino. Ang mga epikong Pilipino—bilang katutubo at puno ng aral ang mga ito—ang napili kong batayan sa pagtatangka kong ito.
Tatangkain kong tugunan ang mga suliraning ito sa pamamagitan ng aking pag-aaral: ‘Ang ethno-epikong Pilipino bilang rekonstruksyon ng ideyal na pinuno ng bansa: isang kontekstwalisasyon ng mga etno-epiko at re-depinisyon ng “lider” sa lipunang Pilipino’.
Layunin
Nilalayon ng pag-aaral na ito na:
1) Tukuyin ang mga katangian ng ilang napiling etno-epikong Pilipino
2) Tukuyin ang mga katangian ng mga bayani sa mga etno-epikong ito
3) Tuklasin kung alin sa mga katangiang ito ang makatutulong sa pagbuo ng nasyon
4) Tuklasin at
5) buuing muli (reconstruct) ang mga katangiang makatutugon sa bagong konsepto ng isang ideyal na pinuno ng bansang Pilipinas.
Limitasyon at delimitasyon
Sa ‘Ang ethno-epikong Pilipino bilang rekonstruksyon ng ideyal na pinuno ng bansa: isang kontekstwalisasyon ng mga etno-epiko at re-depinisyon ng “lider” sa lipunang Pilipino’, susubukan kong gumawa ng pagko-kontekstuwalisa[8] ng iba’t ibang piling etno-epikong Pilipino bilang tugon sa ‘nasirang identidad at kulturang Pilipino’ dulot ng tatlong yugto ng pananakop na dinanas ng Pilipinas. Sisikapin kong palutangin ang mga katutubong katangian at kaalamang Pilipino bilang tugon sa isinusulong na dekolonyalisasyon sa lipunang Pilipino. Tatangkain kong bumuo ng isang katulad ng Bushido[9], the Soul of Japan[10] sa pamamagitan ng pagbuong-muli ng isang bagong mukha ng ideyal na pinuno ng bansa mula sa pagsasama-sama at pagbuong-muli o rekonstruksyon ng ilang etno-epikong Pilipino.
Gayunpaman, nalilimitahan lamang ang aking pag-aaral sa mga epikong Ibalon, Agyu, Guman ng Dumalinao, Tulalang, Ulahingan at Epiko ng Nalandangan dahil na rin sa kakulangan ng panahon. Sa parehong paraan, nalilimitahan rin lamang kina Handiong at Bantong (Ibalon), Agyu at anak niyang si Tanagyaw (Agyu), Pailalam ri Bolak (Guman ng Dumalinao), Tulalang (Tulalang), at Matabagka (Epiko ng Nalandangan) ang mga bayaning pagmumulan ng aking pagtatangkang pagbubuong-muli ng isang ideyal na pinuno ng bansa.
Hindi na rin sasakupin pa ng pag-aaral na ito ang mga usapin tungkol sa epiko o sa konsepto ng bayani at ang pagkukumpara nito sa maka-Kanluraning konsepto ng bayani at pinuno. Katulad ng nabanggit, ang layunin ng aking pag-aaral ay makapagmungkahi ng ideyal na pinuno ng bansa batay sa mga etno-epikong bayani at magtangkang tumugon sa pagbubuo ng nasyon ng Pilipinas lamang.
Kahalagahan ng Pag-aaral
Inaasahang ang pag-aaral na ito ay magiging malaking ambag sa pag-aaral ng epiko sa iba’t ibang larangan sa bansa kaugnay ng mga Post-kolonyal, Nasyonalistiko, at Kultural na pag-aaral sa bansa. Inaasahan rin na makatutugon ang papel na ito sa sosyo-politikal na aspeto at suliranin ng bansa na maaari pang pagsimulan ng maraming gawang pananaliksik at pag-aaral kaugnay nito at ukol dito. Higit sa lahat, inaasahang hindi lamang ang Akademya ang makikinabang sa pag-aaral na ito kundi pati na ang lipunang Pilipino na pinag-aalayan ng pag-aaral na ito.
Metodolohiya
Sa pag-aaral na ito, iikot ang pagkalap ng datos sa pamamagitan ng second-hand sources o library research at sa aking sariling pagsusuri, bilang ang mga paraang ito lamang ang kinakailangan sa aking pag-aaral.
TEORETIKAL NA BATAYAN NG PAPEL
Ito ang mga naging pangunahing batayan at saligan ng aking pag-aaral:
Ayon sa teorya ni Jean-Baptiste Lamarck ng Paggamit at Di-paggamit’ (Theory of Use and Disuse) sa genetics, ang isang katangian na hindi ginagamit ng isang organismo ay hindi mapauunlad. Kung ginagamit naman niya ito ay uunlad o malilinang ito. Ito ang teorya si likod ng paghaba ng leeg ng mga hirapa o giraffe. Ayon kay Lamarck, humaba ang kanilang leeg dahil sa kakaabot ng mga dahon mula sa puno at kagagamit nga sa kanilang leeg. Sinabi rin niya na ang isang hirapa na hindi masyadong sinusubukang abutin ang mas mataas na puno ay magkakaroon lamang ng mas maikling leeg kaysa sa isang hirapa na pilit ang pag-abot sa mas mataas na puno. Kung ano ang mga bagay na hindi mo ginagamit, hindi mo ito mapauunlad o malilinang. Bagama’t para sa genetics ang teoryang ito, makikita na nauukol ito maging sa panitikan at kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas—sa marhinalisasyon at rehiyunalismong humahadlang sa matagumpay na ‘pagsasarili’ ng Pilipinas.
Ayon sa teorya ng Post-Kolonyalismo[11], ang pamamayani ng suliraning ‘margin-center’ lalo na sa mga bansang nasakop katulad ng Pilipinas ay puno’t dulo ng kolonisasyon. Ayon dito, dala ito ng pag-uuri o “world-ing/ other-ing” na ginawa at patuloy na ginagawa ng Kanluran. Isang manipestasyon ng ‘world-ing’ at ‘other-ing’ na ito ay ang mga naratibong diskurso na ginawa ng Kanluran upang maging katanggap-tanggap ang kanilang pagbubura sa mga katutubong sistema ng kanilang mga sakop o ng mga bansang kaya nilang kontrolin—isang paraan ng pagsupil. Halimbawa sa mga ito ay ang “Katolisasyon” ng mga Kastila, at “White Man’s Burden” at “Manifest Destiny” ng mga Amerikano. Ang ganitong etnosentridad ng Kanluran ang nagbunga ng labis na diskriminasyon at mababang pagtingin sa kahit anumang kultural, pulitikal o panlipunang kaalaman na labas na sa teritoryo ng Kanluran[12] na rason upang maging gahum na nga ang kahit anumang Kanluranin.
Ang patuloy na pamamayani ng Kanluraning pag-iisip at biyas na ito ang pangunahing rason sa pagkapandak ng mahahalagang aspeto sa identidad at pagbubuo ng nasyon ng isang bansang post-kolonyal—kabilang ang mga katutubong panitikan.
Sa larangan ng panitikan, nakita ng mga post-kolonyalista na sa mga bansang nasakop, kadalasan na ang namamayaning uri ay ang mga Kanluraning uri ng panitikan—iyong mga nakasulat sa Ingles, gawa ng mga Amerikano o Europeo lalo na sa Pilipinas, na kasali pa ang mga panitikang Hispanisado. Ang mga katutubo o folk ay hindi pinapansin o nasa margin lamang. Ang gahum[13] ay iyong mga panitikang may piraso ng kolonisasyon kaya’t dahil dito’y patuloy lamang ang kolonisasyon sa isang post-kolonyal na bansa. Ang mga katutubong panitikan ay patuloy na sinusukat sa lente ng mga maka-Kanlurang panitikan. Patuloy lamang ang diskurso ng world-ing o other-ing.
Kaya’t sabi ng teorya ng post-kolonyalismo, kailangang kailangan ang paggawa ng mga diskursong kontra-gahum. Isang tiyak na hakbang umano ang pagpaptibay sa mga katutubong panitikan o kaisipan bilang malinaw na panlaban sa mga kapinsalaang dulot ng mga maling pag-aakala mula sa ideolohiyang Kanluran. Sa paggawa ng mga bagong kahulugan mula sa mga katutubong sistema—kabilang na nga ang panitikan—inaasahan ang pagbubuo ng mga bagong ideolohiya na maglalayo sa di-makatarungang ideolohiyang ‘kami-at-iba’ ng Kanluran.
Maiuugnay ngayon ang Teorya ng Paggamit at Di-paggamit ni Lamarck. Sa patuloy na hindi paggamit ng mga katutubong panitikan at kaisipan ay mananatili lamang ang mga ito sa marhinalidadong katayuan nito. Sa kabilang banda, ang pagtangkilik sa mga panitikan at kaisipang Kanluranin ang patuloy na lilinang sa mga ito, dahilan upang mas tumibay at mas mamayani ang mga ito sa lipunan—dahilan rin upang mas maisantabi at humina pa ang mga katutubong panitikan.
Sa patuloy na pagkalinang ng mga Kanluraning panitikan at mas paghina pa ng mga katutubong panitikan, mas magiging mahirap itama ang mga kapinsalaang dulot ng mali-maling pananaw na ipinalaganap ng Kanluran. Patuloy lamang lalakas ang diskurso ng “other-ing/ world-ing” kaya naman ipinapanukala ng Post-kolonyal na pag-aaral ang paulit-ulit na pagtatanong o pagsusuri sa ‘Europa/Estados Unidos-at-ang-iba’ na paglalahad sa kasaysayan, upang makabuo ang mga ‘hindi-napapansin’[14] ng sariling kasaysayan, katotohanan (“reality”), kultura, at diskurso— sa pangangalap at pagpapatayog na muli, at paglikha at paglikhang-muli ng mga alternatibong teksto o kontra-gahum.
Sa pagbuong ito ng isang bagong realidad—realidad na hindi batay sa ideolohiya ng Kanluran— sinasabi ng Teorya ng Post-kolonyalismo na mahalagang pagtuunan ng pansin ang ‘ideolohiya’. Ang ideolohiya, bilang ito ay ang ‘sistema ng mga kahulugan na nakapaloob sa mga materyal na kasangkapan’, ang magtatakda ng lawak at lakas ng diskursong panlaban sa kontra-gahum. Ayon dito, dapat bumuo ng bagong ideolohiya na tutugon sa (1) pagsusuri sa mga ideolohiya ng Kanluran at ng kolonisasyon patungkol sa konsepsiyon nito sa “iba” (2) sa pagtatama ng mga maling pag-aakalang dulot ng ganitong pagtingin at (3) pagsira sa harang ng sentral-marhinal na dulot ng “other-ing” at kolonisasyon.
Kaya’t batay sa Teoryang Marxista-Istrukturalista, dapat na (1) ang katotohanan ay mauunawaan base sa para kanino ito ginawa at kung kailan ito ginawa. Ang ‘kamalayan’ ay produkto raw ng kultura, lipunan, at kasaysayan at dapat na nakabase pa rin dito ang kahulugang bubuuin. (2) kailangang bigyang boses ang naaaping uri upang maiwasan ang suliranin sa tunggalian ng mga uring panlipunan. Kailangang ang kahulugan ay tumugon sa lahat—sa naghaharing-uri man o hindi ngunit higit sa lahat ay sa mga naaaping uri. (3)kailangang tumugon a sosyo-kultural na pagbuo sa isang lipunan kaya’t (4) dapat na dumaan sa proseso ng negosasyon, na paiba-iba ng paksa (discursive), upang maiwasan ang mga pagsalungat. Higit sa lahat, (5) dapat na magbigay ito ng isang ‘collectively shared values and norms.’
Bilang teoryang basehan sa mga etno-epiko, mahalagang isama at re-konstruktuhin ang teorya ni Propp—isang teoryang mula taga-Kanluran na base at maaaring ilapat sa lahat ng katutubong naratibo. Ayon sa kanyang Morphology of a Folktale, may magkakatulad na anda ang paglalakbay ng mga bayani ng kuwentong bayan ng iba’t ibang bansa. Tugma rin ito sa mga katutubong epikong Pilipino. Ang mga talaan ng anda ay (1)aalis ang bayani sa kanyang bayan; (2)makakatanggap ang bayani ng isang mahiwagang bagay; (3) dadalhin o pupunta ang bayani sa pook kung saan naroroon ang isang hinahanap; (4) magsisimula ang bayani ng isang labanan; (5)makikipaglaban ang bayani nang matagalan; (6)pipigilan ng isang diwata ang labanan; (7) ibubunyag ang diwata na magkamag-anak pala ang bayani at ang kanyang kaaway; (8)mamamatay ang bayani; (9) mabubuhay muli ang bayani; (10) babalik ang bayani sa kanyang bayan; at (11)magpapakasal ang bayani.
Isang apakahalagang basehang-konsepto sa pagka-bayani at pinuno naman ang mga konseptong nakapaloob sa Bushido[15]—o basehan ng pagka-bayani ng mga Samurai. Sa Bushido, pundamental na mga konsepto ang ‘paghubog sa pagkatao’ at ‘pagka-masunurin’. Ginamit ito upang kilalanin ang tama at mali pati na rin upang maging gabay sa pangaraw-araw na galaw ng sarili na kaugnay ng iba. Ang ‘Giri’ (obligasyon o tungkulin) ay isang pangunahing paniwala na tumutukoy sa ‘matinding tungkulin ng bawat isa sa bawat kasamahan’— kinakailangang gawin ng bawat isa ang kanyang tungkulin sa mga magulang, pinuno, pinamumunuan, lipunan, maging sa kanyang bansa kahit pa sa kabila ng mga personal na sentimyento. Dahil dito, ang ‘giri’ ang masasabing “social cloth” na nagbuklod at patuloy na nagbubuklod sa bansang Hapon. Itong ‘giri’ ay inaalalayan ng ‘katapangan’, na isa pa ring napakahalagang konsepto sa Bushido. Ang ‘kagitingan’ at ‘kawalang-pangamba’ ay itinuro sa mga kabataan, at ang malagim na kamatayan kung para sa iba ay kagalang-galang. Kaya’t sa pamamagitan ng Bushido, itinuring ang ‘kagandahang-loob’ bilang pinakamataas na birtud na maaabot ng indibidwal. Kaugnay ng kagandahang-loob na ito ang ‘pagka-magalang’ hindi lamang upang maiwasa ang makasakit ng iba kung hindi bilang pagpapakita ng pagmamahal. Bilang pagsusuma sa lahat-lahat ng ito, masasabing ang konsepto ng dangal ang pinakanangingibabaw at pinakatanyag na prinsipyo ng Bushido—ang masasbing pinaka-humubog sa pagka-bayani ng mga Samurai at sa pagiging isang pinunong global ngayon ng bansang Hapon.
Ang dalawang teoryang napili ko tungkol sa bayani—na ang isa’y konsepto mula sa Kanluran na nababagay rin sa pagbuo ng mga diskursong maka-Pilipino, at ang konseptong Asyanong[16] mas may lapit sa kasipang Pilipino at tumutugon rin sa kontra-gahum ng Kanluran—at ang iba pang mga teoryang napili ang masisilbing pundasyon ko sa paglalapat ng bagong kahulugan sa mga etno-epikong Pilipino at paggawa ng mga diskursong post-kolonyal.
MILYU
Sa paggalaw ng kasaysayan at pagbago-bago ng panahon, nagbago-bago rin ang konsepto ng ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’ na humantong sa pagkakahubog sa kasalukuyang kaisipang ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’ sa lipunan. Sa Pilipinas, may anim na mahalagang panahon na humubog at nagiba-iba sa konsepto ng ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’. Ang mga ito’y ang pre-kolonyal na panahon, panahon ng pananakop ng mga Kastila, panahon ng pananakop ng mga Amerikano, panahon ng pananakop ng mga Hapones, panahon Pagkatapos ng Digmaan, at panahon ng Martial Law.
Panahong Pre-Kolonyal
Sa malabong pre-kolonyal na kasaysayan ng Pilipinas, makikita sa mga kasalukuyang lipunan ng mga minoridad na grupo at sa mga naitalang etno-epiko kung ano ang kaisipan sa likod ng pinuno at bayani noong mga sinaunang panahon ng Pilipinas. Nang mga panahong iyon, ang bayani ay isang mandirigma. Ang pangunahing sukatan ng kagitingan at kabayanihan noon ay katapangan at kalakasan. Nakasalalay ang dangal ng isang pre-kolonyal na bayani sa mga naipanalong laban, napatay na kaaway, at nailigtas. Ang mga bayani ay may mataas na kalagayan sa lipunan at ang pinakamagaling sa kanila ang nagiging pinuno ng pamayanan. Sila ang inaasahan ng buong pamayanan na tagapagtanggol sa oras ng panganib. Gayunpaman, sa kabila ng katanyagan ng pinuno at ng herarkiya sa pamayanan, walang masalamin o kaya’y malimit kakitaan ng tagisang politikal ang mga sinaunang Pilipino. Komyunal ang mga sinaunang Pilipino kaya’t maging ang pag-iisip ng mga bayani at pinuno ng naturang panahon ay komyunal. Ayon nga sa isang Kastilang mananalaysay na isa sa pinakakauna-unahang nakaapak sa mga isla ng Pilipinas, “Habang sila [ang mga katutubong Pilipino] ay tahimik, mabait, at magiliw tumanggap, ang mga katutubo ay magigiting na mandirigma—sa katunaya’y “pinakamatapang sa buong isla” kapag napagalit[17]”. Sumakatwid, ang kagalingan sa pakikipaglaban, lakas, at tapang ng mga pre-kolonyal na bayani at pinunong Pilipino ay mas nakapasailalim sa kaisipan ng pagprotekta at pagdepensa kaysa sa pagsalakay, pananakop at pang-aalipin.
Panahon ng Kastila
Nang dumating ang mga Kastilang mananakop, nagbago ang katayuan sa lipunan ng mga dating bayani o pinunong mandirigma. Maraming grupo ang namundok at naparatangang brutus salvajes. Ang mga Muslim naman sa Maynila ay lumayo papatungo sa Mindanao at naituring na mga kaaway, mga ‘katatawa-tawang moro’. Ngunit mas maraming katutubo ang napasailalim sa pananakop ng mga Kastila na tinawag na Indio—pangalang taguri ng mga mananakop sa mga katutubo na tumutukoy sa kanilang superyoridad sa mga ito. Ang mga dating bayani o pinuno bago dumating ang mga Kastila ay itinuring na kaaway o napasailalim sa kapangyarihan ng mga Kastila. Matapos ang maraming taon ay nasupil na ang husay sa pakikipaglaban ng mga katutubo (maliban na lamang sa mga kung tawagin natin ngayon ay IP at sa mga Muslim na na-marhinalisado naman). Naging encomiendero na lamang ang mga Datu. Mas nakataas ang mga Kastila na pawang ang may pribilehiyo sa lipunan—ang magkaroon ng mataas na katungkulan sa gobyerno at sa lipunan, per se.
Ang pinuno ay ang mga Kastila. Mga nakabababang katungkulan lamang ang puwedeng hawakan sa lipunan ng mga Indio noon, kahit pa hanggang sa huli-huling yugto ng pananakop. Ang itinuturing na pinakamataas na posisyon sa gobyerno ay ang Gobernador-Heneral—ang kinatawan ng Hari ng Espanya sa Pilipinas—na isang Kastila lamang ang maaaring humawak. Ang tanging maggagawa lamang ng mga Pilipino ay ang magbigay-pugay sa mga opisyales at pinunong ito.
Kaya’t ang tunay na pinuno noong pananakop ng mga Kastila ay ang mga Prayle. Higit pang makapangyarihan ang mga Prayle kaysa sa Gobernador-Heneral na kinatawan ng Hari ng Espanya at tagapagpatupad ng mga batas ng Hari ng Espanya. Friarocracy ang tunay na naging konsepto ng pinuno nang mga panahong iyon—ang pagtrato, pagsilbi, at pagsunod sa mga Prayle na tila ba isang diyos sapagkat pinaniniwalaan ngang sila ay alagad ng diyos. Masasalamin ang kaisipang ito ng pinuno sa pamamagitan ni Padre Damaso sa Noli me Tangere ni Dr. Jose Rizal.
Dahil doon, ang mga ‘pinunong Indio’—na masasalamin sa mga tauhang-pinuno sa Noli me Tangere at El Filibusterismo na sila Kapitan Tiago, ang Alferes, Tinyente Guevarra, Kapitan Pablo, Kapitana Maria, Kabesang Tales, Kapitan Basilio, Padre Florentino, Don Custodio, at Crisostomo Ibarra na naging Simoun—ay pawang mga pinunong namuno hindi para sa pamayanan kung hindi para sa sarili. Dahil sa sobrang opresyon nang mga nasabing panahon, walang ibang ninais ang mga katutubo kung hindi makaahon sa diskriminasyon at kahirapan. Walang ibang pinangarap ang mga Indio kung hindi maranasan rin ang tinatamasang kaginhawaan, pribilehiyo at kasikatan ng mga Kastilang kadalasa’y siyang mayayaman sa Pilipinas—habang ang mga Indio ay naghihirap at inaapi. Ang maging isang pinuno kahit papaano ay isa sa madaliang paraan upang makasabay sa mga Kastila. Ang ‘pagka-pinuno’ ay naging behikulo na lamang sa pagtakas sa kahirapan at pang-aapi, at sa pagtatamasa ng mga pribilehiyo ng nasabing panahon. Higit sa lahat, naging behikulo ito, hindi upang makapagtanggol o makapaglingkod sa pamayanan, kung hindi upang makapamuhay na parang mga Kastilang “don” at “donya”.
Sumakatwid, ang kaisipang namayani sa konsepto ng pagka-pinuno sa panahong ito ay ang kaisipan ng opresyon, paglaban sa opresyon, pananakop, pang-aalipin at indibidwalismo. Ang dating konsepto ng pinuno bilang manipestasyon ng malalim na pagpapahalaga sa pamayanan ay unti-unting napalitan ng pinunong indibidwalistiko. Gusto ng Prayle na palagi siyang mapansin, pinapansin, at may kapangyarihan sa mga bagay-bagay sa kanyang paligid. Dahil sa labis na paggalang ng mga Indio sa pinunong ito nawasak ang konsepto ng pamayanan at pagmamalasakit. Ang bawat Indio, katulad ng pinunong indibidwalistiko, ay nagkanya-kanya na sa buhay at nawalan ng pakialam sa kapwa Indio na hindi rin naman maggawang tumulong sa masaklap na katayunag panlipunan ng mga Pilipino nang panahong iyon. Maliban pa sa divide et impera, nabuo ang kanya-kanyang sentimyento ng mga Indio na makaahon sa yurak ng pang-aaping kinalalagyan.
Mula sa matapang at malakas na mandirigma, tahimik, magiliw, at makatarungang pinuno, ang konsepto ng pinuno sa pananakop ng mga Kastila ay naging politikal, indibidwalisitiko, mapang-api, at “maka-Espanyol”. Ang dating malayang lipunan ng mga Pilipino na may malalayang mamamayan kung saan ang pagpapasa ng kaugalian at moralidad maging ang pagpapasa sa batas moral ng pagka-bayani ay madaling naisasagawa ay naging sikil na lipunan na ginawang alipin ang mga katutubo.
Dahil sa labis na kawalang katarungan sa lipunan ay umusbong ang mga bayani ng naturang panahon. Sa panahong ito, ang ‘pinuno ng pamayanan o ng bansa’ at ‘ang bayani’ ay maaaring hindi na iisa. Ang dating relasyong ‘bayani muna bago maging pinuno ng pamayanan’ ay nabago na patungong ‘pinuno ng pamayanan kahit na hindi naman bayani’ o ‘panlipunang krisis bilang tagapagluwal sa bayani na maaaring maging pinuno ng pamayanan o hindi.’
Sa mga panahong ito, dalawang mukha ng bayani ang lumitaw: ang mukha ng pagka-bayani ni Dr. Jose Rizal at ni Andres Bonifacio.
Alam naman nating lahat na si Dr. Jose Rizal ang bayaning ilustrado, liberal, at rasyonal habang si Andres Bonifacio ang maka-masa at rebolusyonaryo. Maaaring marami ngang ipinagkaiba ang pagka-bayani ng dalawa, ngunit hindi na iyon pa tatalakayin dito. Sa halip, pagtutuunan ng pansin ang ipinagkapareho nila bilang mga bayani sa panahon ng mga Kastila.
Bilang mga bayani, pareho silang namulat sa lipunang hindi makatarungan. Ang kanilang pagka-bayani ay dulot ng masalimuot na sosyo-politikal na salik. Pareho nilang inayawan ang labis na pagka-makasarili ng mga namumuno sa gobyerno lalo na ng mga Prayle. Labis na ikinahiya ni Rizal ang pagkamangmang ng mga Indio at ganoon rin naman si Bonifacio. Ninais ni Rizal ang tuluyang pagkahiwalay ng Pilipinas sa Espanya at pinilit naman ni Bonifacio na mapalayas ang gobyerno ng Espanya sa Pilipinas. Sumakatwid, higit pa sa pagtatanggol sa pamayanan, ang konsepto ng pagka-bayaning lumitaw sa panahon ng mga Kastila ay komyunal pa rin ngunit hindi na lamang pagtatanggol sa pamayanan ang naging tuon nito—kakabit na rin nito ang Kalayaan, ang Kasarinlan, ang pagsasama-sama ng mga pamanayan at pagbuo ng isang Bansa.
Habang ang mga bayani ng pre-kolonyal na panahon ay literal na bumuo ng isang pamayanan, ang mga bayani naman sa panahon ng Kastila ay simbolikong nakabuo ng isang Bansa dahil sa sa mga susunod ng yugto pa ng kasaysayan mabubuo ang literal na Bansang naitanim nila sa kamalayan ng mga Pilipino. Dahil dito, hindi ang bayani ang naging pinuno ng bansa. Habang ang mga mandirigma ng pre-kolonyal na panahon ay ibinubuwis ang buhay sa pakikipaglaban o namamatay ang pagka-indibidwal para sa pamayanan, namatay rin sa sarili ang mga bayani ng panahong ito at nagbuwis ng buhay.
Panahon ng Amerikano
Sa panahon ng mga Amerikano, nagkaroon ng oportunidad ang mga Pilipino na umangat kaysa noong panahon ng Kastila. Lahat ay nagkaroon ng pribelihiyong makapag-aral na naging daan upang makahanap sila ng matiwasay na trabaho at makaahon sa hirap. Pumasok rin ang mga kagamitan, kaugalian, at kaisipan mula sa Kanluran na nagdala ng labis na kaginhawaan sa buhay ng mga Pilipino. Ang pagpasok na ito ng “modernisasyon” sa buhay ng mga Pilipino ang tunay na nakapagbigay sa kanila ng “kalayaan”.
Sa pagdating ng mga Amerikano rin sinimulan ang pagbuo sa isang Bansa o Nasyon. Dahil dito, ang naging konsepto ng bayani ay iyong makatutulong sa Pilipinas at mga Pilipino na makabuo ng isang Bansa at umunlad rin na kagaya ng ibang bansang maunlad. Labis na natuwa ang karamihan sa mga Amerikano, lalo na ang mga naapi noong panahon ng Kastila—kahit pa marami ang naging taliwas ang reaksyon ukol dito katulad ni Recto dahil umano hadlang ang mga Amerikano sa pagkakamit ng kalayaan.Gayunpaman, tila hulog pa rin ng langit ang mga Amerikano—handang tumulong sa mga bansang nasalanta ng kolonyalismo sapagkat ito ang kanilang propaganda; ipinamukha nila sa mga Pilipino na “Spain is the villain and Americans are the heroes”[18]—kaya naman ang naging konsepto ng bayani nang panahon iyon ay batay sa imahe ng mga Amerikano mismo.
Sa pagtulong ng mga Amerikano sa pagbuo ng bansang Pilipinas, hindi muna nila binigyan ng katungkulan ang mga Pilipino. Pinabayaan muna nilang magsanay ang mga ito sa mga kaloob nilang institusyon—edukasyon, mga negosyo, sa mga ahensya ng gobyerno bilang katulong o trainee muna, at marami pang iba. Sa puntong ito, ang mga Amerikano ang talagang namuno sa bansa kahit pa masasabing may pangulong nakaluklok.
Dahil dito, ang naging konsepto ng pinuno sa panahong ito ay batay pa rin sa kung sino ang mga Amerikano. Dahil sa maalam ang mga Amerikano at nakapagpamalas ng kagandahang loob, madali silang naging batayan ng mabuting halimbawa lalo na ng mga pangkaraniwang tao. Sa kabilang banda naman, ang mga “pinunong” Pilipino katulad ni Aguinaldo ay patuloy na tiningnan ng kanyang nasasakupan bilang Pangulo at pinuno ng Bansa, ngunit ang tunay na kaisipang nakapaloob sa pag-upo niya bilang pinuno ng bansa ay ang pagkontrol dito ng Estados Unidos, na makikitang nagpapatuloy naman hanggang sa kasalukuyang panahon, bagaman at hindi na lamang masyadong batid.
Sa mga kinalaunang panahon ng yugtong ito ng kasaysayan, nasaksihang may pagbabago na naman sa kaisipang nakaukit sa likod ng ‘pinuno ng bansa’. Nang panahong Komonwelt o pagtatatag na ng Pilipinas bilang isang Bansa, kapansin-pansin ang pagiging lubos na Nasyonalistiko ng mga pinuno at ng buong bansa. Nagsumikap muli ang pinuno ng Bansa na kumawala sa hawak ng ibang bansa. Sa pagkakataong ito, nag-imbento ang Pangulong Manuel Quezon ng Pambansang Wika, isang paglaban sa kolonisasyon ng Amerika sa Pilipinas gamit ang isang wikang katutubo laban sa wikang Ingles. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng hakbang ‘de-kolonisasyon’. Gayunpaman, dito mas napukaw ang sentyimyentong rehiyunalistiko ng iba’t ibang etnolingguwistikong grupo sa Pilipinas bilang Tagalog ang naging basehan ng Wikang Pambansa.
Dalawang kaisipan ang pumaloob sa kaisipan ng pinuno ng bansa—una ay ang ‘imperyalismo’[19] na karugtong ng rehiyunalismo; at ikalawa naman ay Nasyonalismo sa pamamagitan ng de-kolonisasyon at literal na pagbubuo ng Nasyon, ang dangal sa pagtanggi sa panibagong pananakop at pagkakamit ng Kasarinlan sa pamamagitan ng pagkawala sa politikal na kontrol ng ibang bansa.
Ang pinuno ay hindi na ‘pinuno ng pamayanan’. Ito ay ‘pinuno na ng bansa’—pinagbobotohan, itinatakda ng batas, at iginagalang batay sa batas at/o batay sa kagustuhan ng mga tao. Hindi katulad ng Prayle na bigla na lamang iniluluklok ang sarili, ang ‘pinuno’ sa panahong ito ay naluluklok sa katungkulan batay sa pasiya ng kanyang nasasakupan at maaaring maalis sa katungkulan kung ipipilit ng kanyang nasasakupan. Bagama’t politikal ang pinuno ng panahong ito, siya ay hawak pa rin ng kanyang nasasakupan. Ibig sabihin, ang bayani at ang pinuno ay komyunal.
Sa relasyong bayani at pinuno ng bansa naman, kadalasang ang bayani ay nagiging pinuno muna ng bansa bago maituring na bayani. Ang bayani naman ay hindi nagiging pinuno ng bansa at nananatili lamang na bayani. Halimbawa na lamag ay si Andres Bonifacio na ipinapatay ng naging Pangulong Emilio Aguinaldo, si Macario Sakay na naisuplong sa mga kaaway na Amerikano, at ang iba pang hindi kilalang bayani.
Hindi matiyak kung nagbuwis ng buhay ang mga bayani, ngunit ang tiyak ay natalo sila ng mga kaaway dala ng mga panlabas na salik. (eg. mas malakas na puwersa militar, pagkakasakit, atbp.)
Panahon ng Hapon at Yugto pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Sobrang higpit na pagsupil ang naranasan ng mga Pilipino sa kamay ng mga Hapones. Ang lahat ng instistusyon ay kinontrol ng mga ito, kabilang na ang gobyerno at ang pinuno ng bansa. Ang konseptong kumabit sa pinuno ng bansa ay “Pasismo”—ang kawalang-laban na naman—nang si Jose P. Laurel ay ginamit lamang na ‘puppet’ ng mga Hapon sa kanilang puppet government. Sumakatwid, sa panahong iyon, ang kaisipang ‘pinuno ng bansa’ ay isang imahinasyon. Ang tunay na pinuno ay ang mga mananakop na Hapones.
Habang sa panahong ito’y naging imahinasyon o hungkag ang konsepto ng ‘pinuno ng bansa’, ang konsepto naman ng ‘bayani’ ay tumingkad. Sa mga panahong ito nasubok ang katapangan, katatagan-ng-loob,prinsipyo, dangal, at nasyonalismo ng bayani na sa pagtataglay nito ay magkakamit ng madugong kamatayan. Ang bayani ay parang isang martir. Hindi siya namatay sa pakikibaka o pakikipaglaban kasama ang grupo o hindi rin naman talaga dahil sa pakikianib sa isang grupo. Namatay siya nang mag-isa dahil sa pagtayo niya sa kanyang sariling prinsipyo. Sa pagkakataong ito, namatay ang bayani bilang indibidwal dahil sa indibiwal niyang paniniwala. Indibidwal ang bayani, ngunit hindi siya indibidwalistiko. Hindi siya indibidwalistiko dahil sa ang pagkamatay niya ay bunga ng paniniwala o kumbiksiyong pambansa at namatay siya dahil sa kanyang bansa. Ang pangunahing kaisipang pumaloob sa ‘bayani’ nang mga panahong iyon ay ang sariling dangal bilang dangal ng lahi—hinding hindi yuyuko sa iba.
Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, umigting ang pagnanais ng mga Pilipino na makabangon muli ang katatatag pa lamang na Bansa. Mabilis ang naging pagbuti ng Pilipinas, ang pag-unlad ng mga siyudad, ang pasagawa ng mga pananaliksik at imbensyon, ang pagsakatuparan ng mga ito at iba pang mga hakbangin na mas nagpabilis sa pagbangon ng Bansa.
Sa mga panahong ito, hindi masyadong namayani ang konsepto ng ‘bayani’ sa lipunan, ngunit namayani ito sa bawat indibidwal na ninanais-nais pa rin ang Kasarinlan at Kaunlaran ng Pilipinas. Mas namayani ang konsepto ng ‘pinuno’, lalo na ang pangangailangan sa ‘pinuno ng bansa’ dala ng pangangailangan sa panahon ng muling pagbangon at pag-aayos sa bansang nasira ng digmaan.
Gayunpaman, parehong nabuhay ang ‘pinuno ng bansa’ at ‘bayani’ sa panahong ito . Ang lahat, pinuno man ng bansa o hindi, ay bayani dahil sa lahat ay nangarap at kumilos para sa kapakanan ng Bansa. Noong mga panahong ito, tumibay ang kaisipan ng ‘malasakit sa bayan’. Ang pagka-bayani nang mga naturang panahon ay tahimik ngunit malakas at maigting. Hindi ito mapasusubalian dahil nang mga panahong ito ay pumapangalawang pinakamaunlad na bansa ang Pilipinas sa Asya.
Panahon ng Martial Law
Malaki ang naging epekto ng pamumuno ng rehimeng Marcos sa tahakin ng pagka-Bansa ng Pilipinas at konseptong ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’.
Mula sa pagiging “gabay” ng pinunong Pilipino sa pagbangon ng bansa naging ‘diktador’ naman ang mukha ng pinuno sa pagpasok ng dekada 70’s, ang taong naluklok sa pagka-presidente si Ferdinand Marcos.
Bilang resulta, ang konsepto ng pinuno ay naging iyong kinatatakutan dahil sa kaliwa’t kanang paghuli at desparacidos. Mahigpit rin ang pagkontrol ng pamilya Marcos sa mga institusyon sa Pilipinas, kaugnay umano ang ‘Bagong Mundo’ na hinahangad maitatag ni Marcos—isang lipunang may mataas na antas ng kalinangan at lipunan na malaya sa bahid ng kolonyalisasyon. Kaya naman bukod sa kaisipang ‘diktador’ sa likod ng pinuno ng bansa noon, kumabit rin dito ang kaisipang ‘kultural’.
Higit sa lahat, sa mga panahon rin ng pamumuno ni Marcos nagsimula ang konsepto ng balikbayan at OCW (overseas contract workers). Ang mga balikbayan ay iyong mga Pilipinong lumipat na ng ibang bansa upang doon magtrabaho at manirahan. Sa pagtataguyod nito ni Marcos, nakapagparami siya ng ‘domestikadong turista’ para sa bansa, bilang ang mga balikbayan sa tuwing dumadalaw ng bansa ay nakapag-aakyat ng maraming dolyar sa mga negosyo at pondo ng gobyerno. Itinuring na bayani ang mga balikbayan na “nakapagpapayaman” sa kaban ng dolyar ng bansa.
Sa pagka-bayani ng balikbayan, ang umiral ay ang relasyong sentimental sa sininilangang baryo o hometown at mga kapamilya, kaysa sa pagiging matapat sa sariling Bansa o sa kagustuhang makatulong sa pagpapabuti ng Bansa. Ang pagka-bayani ng balikbayan ay naging makabuluhan sa pinansiyal o ekonomikong katututuran bilang sila ang isa sa naging tagapasok ng dolyar sa pondo ng gobyerno. Ang bayaning balikbayan ang domestikadong turista ng pamahalaang Marcos upang mapagkunan ng kapital. Sa ganitong paraan, ang ‘pagka-bayani’ ng bayani ay naging malabo na, isang gawa-gawa lamang, at naging indibidwalistiko. Malabo ito at gawa-gawa bilang wala naman talagang akmang katangian ang balikbayan upang matawag siyang bayani—maliban nga sa kanyang mga dolyar. Indibidwalistiko ang bayaning balikbayan dahil hindi naman niya talaga inisip ang Bansa sa pag-alis at pagbalik ng Pilipinas[20]. Higit sa lahat, hindi sila nakatulong sa pagbuo ng Bansa bilang ang lahat ng kanilang lakas-tao at lakas-materyal ay nasa ibang bansa at nakalaan sa naturang bansa.
Lubhang nakalilito ang konsepto ng balikbayan dahil di lamang tila nakikianib sila sa gahum ng kolonyalismo sa bansa; sinasalamin rin nila ang nabigong nasyonalismo ng bansa Mula sa punto de bista ng isang pambansang manunulat, ang mga balikbayan ay tila tinatakasan kaysa tanggapin ang pag-asang “may puwang ang mga Pilipino sa mundong ito, sa panahong ito.” Hindi na kinailangan pang mamatay ng bayani bago siya maging bayani. Namatay lang naman ang kanyang pagka-Pilipino.
Sa kabilang banda naman, ang mga OCW ay ang mga Pilipinong nagtrabaho sa Europa, gitna, timog, at timog-silangang Asya bilang mga kontraktuwal na manggagawa. Di katulad ng mga balikbayan, karaniwang malayo sila sa lingguwisitiko at panlipunang relasyon sa mga bansang pinuntahan dahil nga sa ipinadala sila doon upang magtrabaho lamang. Hindi katulad ng mga balikbayan, hindi pa bayani ang mga OCW, ngunit mahalaga ito sa konsepto ng pagka-bayani sa yugto matapos ang Martial Law.
Sa ganitong katuturan nakita na ang konsepto ng ‘pinuno ng bansa’ ng mga panahong iyon ay mas ekonomiko kaysa sosyo-pulitikal , kaysa pagiging makabayan, at kaysa sa pagiging Nasyonalistiko—na ironiko para sa kultural na pagpapahalaga ng pinuno. Ang pinuno sa panahong ito, ay mas itinuon ang pansin sa paglikom ng pinansiyal na suporta kaysa sa patuloy na rekonstruksyon ng bansa o sa pagbuklod ng lakas manggagawa at lakas intelektuwal ng kanyang nasasakupan. Isinaalang-alang niya ang mga materyal na kundisyon at pangmadaliang katugunan kaysa sentimental na kundisyon at kahingian para sa mas matagalang solusyon.
Kaya naman ang ‘pinuno ng bansa’ ng panahong ito ay maaaring hinangaan at pinasalamatan, o inayawan kaya’t napatalsik. Sa pinunong ito mas sumilang ang mga konsepto ng diktaturyal at kurapsyon vis-a-vis paglaban sa katiwalian at aktibismo. Ang pinuno ay mas naging kaaway ng lipunan kaya’t hindi komyunal ang konsepto ng ‘pinuno ng bansa’ng panahong ito. Indibidwalistiko ang pinuno dahil sa pangungurakot na namayani noon, na magpasahanggang ngayon nga ay naging kadikit na ng ‘pinuno ng bansa’.
Isa pang mukha ng bayani ang lumitaw at namayani sa panahong ito: si Benigno Aquino, Jr. bilang Ninoy.
Sa paglitaw ng konsepto ng bayani kay Ninoy ay ang pagkamatay ng dating Senador Benigno Aquino Jr. Ang nabuhay kay Ninoy ay ang pagkasawa ng mga taumbayan sa mga kasinungalingan, pang-aapi at pagsasamantala ng mga nasa pamahalaan. Ito ay hindi na lamang tumukoy sa nangyari sa tarmac kung hindi naging pamansag na rin sa lahat ng masamang pangyayari sa bansa. Ang bayani ay naging isang ‘protesta’ sa lahat ng katiwalian sa pamahalaan at sa bansa[21].
Kasalukuyang Panahon
Dala ng kahigpitang dinanas ng mga Pilipino sa pamumuno ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ay hinangad ng mga ito ang demokrasyang nawala kaya’t sa paghahangand ng bagong pinuno, “isang pinunong marunong makinig, marunong umunawa, at marunong tumugon sa pangangailangan ng bawat mamamayang Pilipino” ang hinanap-hanap ng mga tao. Demokrasya at demokratikong pinuno ang naging ideyal na pinuno. Higit pa sa pagbubuo ng Nasyon, ang hinangad ng mga tao ay kalayaan at mapayapang pinuno. Nakita nga nila iyon sa maka-nanay na pamumuno ng Gng. Cory Aquino.
Hindi na masyadong inisip ng pinuno at ng bayan ang pagbuo ng Bansa kaya naman sa pagbabago sa galaw ng global na ekonomiya noong dekada ’80, na mas nagpalaki sa pangangailangan sa mga manggagawang Pilipinong skilled at semi-skilled sa Gitnang Asya, Asya, at Kanlurang Europa, mas lumaki ang bilang ng mga Pilipinong nag-oOCW. Nagkaroon muli ng panibagong paggalaw sa konsepto ng ‘bayani’.
Sa pamamagitan ng paghirang ng gobyerno (rehimeng Aquino at rehimeng Ramos) sa mga OCW bilang “pambansang bayani” o “bagong bayani”, ay ang pagsisikap nilang mapigilan ang pagkabalisa ng mas dumarami pang manggagawa sa ibang bansa—na malayo sa pamilya, at lantad sa pangaraw-araw na hirap at mapang-aping kahingian ng isang dayuhang kapaligiran. Ang ‘pagka-bayani’ ay ginawang pantakip sa kaawa-awa at kalunos-lunos na kalagayan ng mga Pilipinong kailangan pang magpaapi sa ibang bansa upang magkaroon lamang ng magandang buhay. Ang salitang ‘bayani’ ay tumutukoy na sa mga ‘biktimang walang mapagpilian’, kaysa sa mga naunang konsepto ng bayani na pinili talagang lumaban nang buong tapang. Ekonomiya ng awa at hiya ang nagbunsod sa pagbansag sa mga OCW (OFW na ngayon) bilang “bagong bayani”, at ang pagkapanganak nga sa konsepto ng “bagong bayani.”
Ang kaisipang namayani sa pinuno ng bansa ay lumayo na sa pagbuo ng Nasyon at unti-unting sumandig sa “globalisasyon”. Mas pinaburan ng pinuno ang pandaigdigang kalakaran kaysa sa pangangailangan Pambansa—kaya naman ganoon na lamang ang pagpapadala sa mga Pilipino bilang OCW sa ibang bansa kaysa lakas-paggawa para sa Pilipinas; isang matibay na dahilan rin kung bakit naipanganak ang konseptong “bagong bayani.”
Ayon nga Dr. Bienvenido Lumbera, “ Sa panahong ito, wala na halos pag-aatubili ang mga bayarang intelektuwal ng pamahalaang Ramos sa pagmungkahing lipas na raw ang panahon ng nasyonalismo. Ito na raw ang panahon ng globalisasyon.”[22]
Ang kaisipang pumaloob na sa pinuno ng bansa ay ‘globalisasyon’ kaysa sa pagiging ‘makabayan’. Bilang ang mga pinuno ng bansa na rin ang naging tagahubog ‘pagka-bayani’ ng ‘bayani’, ‘global’ rin kaysa ‘makabayan’ na may bahid pa ng politika at sariling interes na ang naging konsepto ng bayani. Naging malabo ang konsepto ng bayani sa pagiging isang “bagong bayani” bilang nangahulugan lamang na ang bayani ay ‘abstrato, relatibo at obhektibo’ na pala na maaaring ikabit sa kahit anong bagay kahit na hindi naman ito tiyak na umaakma sa ‘pagka-bayani’ ng tunay na bayani. Sumakatwid, walang malinaw na batayan ang pagka-bayani. Maaari na itong sumaklaw sa maraming bagay. Hindi na nila kailangan pang mamatay basta’t kailangang umakma o pumatok sila sa kahingian ng mga tao, lipunan, o politika. Maaaring maging ang bayani ay si Manny Pacquiao, o Erap, o si Efren Penaflorida. Depende ito. Basta’t may naitulong sa bansa o sa isang partikular na grupong panlipunan ang indibidwal ay bayani na ito.
Naging lubhang malabo na rin ang imahe at dapat na imahe ng isang pinuno ng bansa. Hindi na matiyak kung Pambansa pa nga ba ang Pinuno (komyunal), kung Pambansa pa rin nga ngunit nabubulagan lamang ng globalisasyon, o kung ginagamit lamang ng pinuno ng bansa ang globalisasyon bilang pantakip sa mga pansariling interes (indibidwalistiko). Gayunpaman, mahihinuha na mula sa tatlong ito ang tunay na kasagutan sa ating katanungan. Kung tunay na Pambansa ang pinuno ng bansa, iisipin nito ang kapakanan ng bawat tao sa kanyang nasasakupan at katulad ng sa mga bayani at pinuno ng nagdaang panahon, gagawa siya ng paraan upang makawala sa kontrol ng mga dayuhan.
Sa paglipas pa ng panahon ay ang pagkaluklok kina Joseph Ejercito Estrada bilang Pangulo ng Pilipinas at Gloria Macapagal-Arroyo bilang kapalit nito sa pagka-Pangulo matapos itong mapatalsik sa puwesto . Sa pagkakaupo nila, hindi na lamang ang mga kaisipan ng ‘pansariling interes at pansariling kapakanan’ ang nagpaikot-ikot sa konsepto ng ‘pinuno ng bansa’. Sa pagkakasuplong kay Erap, sa Ikalawang People Power, sa muling pagkandidato ni GMA sa pagka-Pangulo, sa ‘Hello Garci’ scandal, sa Fertilizer Scam, sa ZTE-NBN deal scandal, sa biglaang pagkagalaw sa mga batas sa Konstitusyon, sa napakabagal na pag-usad ng Ampatuan Murder Case, at sa pagtatagal ni GMA sa puwesto sa kabila ng lahat ng katiwalian, pinamayanihan na ngang tuluyan ng mga konseptong katiwalian at kurapsyon. Kapag sinabi sa isang Pilipino ang ‘pinuno ng bansa’, tiyak na unang maiisip nito ay ‘tiwali at kurap’—hindi maaasahan. Marumi na ang imahe ng pinuno ng bansa.
Gayunpaman, sa pagpasok ng bagong Pangulong Noynoy Aquino ay ang siyang pag-asa rin ng mamamayang Pilipino na mabago ang masamang imaheng kadikit ng ‘pinuno ng bansa’. Kaya naman sa kasalukuyan, ang konsepto ng pinuno ng bansa ay napapalitan mula sa pagiging tiwali tungo sa “pag-asa ng Pilipinas at mamamayang Pilipino”. Si P-Noy, kadikit ang pangalan ng kanyang tatay na bayani at kanyang nanay na “tagapagbalik ng demokrasya ng Pilipinas”, ay inaasahan naman na magiging “tagapag-ahon ng Pilipinas mula sa kahirapan at kurapsyon” ngunit hindi sa pagbuo ng nasyon ang tinutukoy ditong ‘ekspektasyon’ kung hindi sa pagtugon sa lahat ng problema ng bansa. Ang pinuno ng bansa ay mas nakikita bilang tagapagligtas mula sa mga problema ng bansa lalo na ng mga tao kaysa sa tagapagbuo ng Bansa. Kaya naman dahil sa dami na rin ng problema ng Pilipinas, napakalaking ekspektasyon rin naman ngayon ang kadikit ng ‘pinuno ng bansa’—eskpektasyon na tumugon sa pangangailangan muna ng mga tao bago ang iba pang bagay tulad na lamang ng globalisasyon. Gayunpaman, hindi pa ganap na matutukoy ang pagbabagong ito sa mga kaisipan at konsepto sa likod ng ‘pinuno ng bansa’ dahil may limang taon pa ang bibilangin upang matiyak ang mga pagbabago. Mas makabubuting abangan kung ano ang mga susunod na mangyayari sa konsepto at mismong pinuno ng bansa. Mananatili kayang siya na lamang ang pag-asa ng bayan, o makikipagtulungan sa kanya ang kanyang nasasakupan upang maisakatuparan ang pinapanga-pangarap ng masagana at mapayapang buhay sa Pilipinas? Matutulad nga kaya siya sa mga nagdaang pinuno ng bansa, o may mababagong muli sa mga konseptong Pilipino ng ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’.
Dahil sa mga pagbabago at kalabuang idinulot ng mga pagbabagong ito sa konseptong Pilipino ng ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’—dulot ng mga pangkasaysayang karanasan, panlipunang pangangailangan, at iba pang salik na naipakita ng milyung ito—mahalaga ang paghahain ng tiyak na mungkahing batayan ng ‘pagka-bayani’ at pagiging ‘karapat-dapat ng pinuno ng bansa’.
PAGBUBUONG-MULI
Sa pre-kolonyal na yugto ng Pilipinas—katulad nga ng naipakita na sa milyu at sa ipinahihiwatig rin ng mga epiko—ang pinuno ay bayani at ang bayani naman ay karapat-dapat maging pinuno. Palaging may ugnayan ang dalawa, na nagpapahiwatig ng mataas na pagpapahalaga sa ‘bayani’ at ‘pinuno’ noong panahong pre-kolonyal ng Pilipinas—ang panahong ayon kay Dr. Jose Rizal ay “long lost [garden of] Eden” ng Pilipinas[23].
Naipakita sa milyu ang kasalukuyang pagtingin sa ‘pinuno ng bansa’ at ‘bayani’ at ang pre-kolonyal naman na pagtingin sa mga ito. Nakitang magkalayong-magkalayo at magkabaligtad ang pagtingin kung pagkukumparahin ang kasalukuyan at nakaraan, lalo na kung pre-kolonyal na batis pa ang ikukumpara sa kasalukuyang panahon. Napakataas ng pagpapahalaga sa bayani at pinuno noong panahong pre-kolonyal habang sa kasalukuyan ay malabo na ang mga konseptong nabanggit upang pahalagahan pa. Kaya naman, kailangang ng muling pagbibigay-kahulugan (re-definition) sa kasalukuyang kahulugan ng mga kaisipan sa likod ng ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’.
Sa pamamagitan ng muling pag-aayos (re-construction) ng sari-saring bagay tungkol at mula sa mga epikong Pilipino ay susubukan kong bigyan ng bagong kahulugan ang ‘bayani’ at ‘pinuno ng bansa’.
Sa pamamagitan ng Morphology of a Folktale ni Vladimir Propp, susubukan nating tingnan kung ano ang proseso na dapat na pagdaanan ng isang tao bago ito masabing siya ay bayani at pinuno, at kung papaano siya dapat hinuhubog ng mga prosesong kaakibat bago maging isang ‘bayani-pinuno’[24]. Ang prosesong ay hindi kinakailangang mangyari ayon sa pagkakasunod-sunod, at maaari rin na hindi matupad ang lahat ng kahingian. Gayunpaman, ang kondisyon ay dapat na matupad ang halos lahat sa mga kahingiang ibinatay sa anda ni Propp na binago ko ayon sa pagpapasok ng mga katangiang ng mga etno-epikong bayani kaugnay ang kasalukuyang panahon.
Bagong Kahulugan ng Anda at ng Ideyal na Pinuno ng Bansa
Aalis ang bayani sa kanyang bayan. Ang pinakasukdulang paghahanap ng tao sa kanyang sarili at sa landas na dapat niyang tahakin ay madalas na nakikita sa paglalakbay—ang paglayo sa tahanan upang subukin ang sarili at makilala ito at upang mapagnily-nilayan nang mabuti ang tunay na lakbaying nakalaan sa bayani—iyon nga, ang pagka-bayani at pagiging pinuno pala. Ang mahanap ang sarili at ang lakbaying nakalaan sa kanya ang pangunahing layunin ng bayani sa kanyang paglayo—hindi siya umalis uoang mamasyal at magkaroon lamang ng ‘shopping spree.’ Ginawa niya iyon sa pagnanais na hanapin ang sarili, mahanap ang sarili, mahanap ang kanyang landas sa buhay upang malaman niya kung papaano siya makakatulong sa kanyang komunidad, at mapabuti ang sarili upang sa pagbabalik ay mas marami siyang maitulong. Sa pag-alis ng bayani, mag-isa lang siya. Indibidwal ang bayani ngunit hindi, dahil sa pag-alis niyang mag-isa ay dala-dala pa rin niya ang kanyang komunidad. Kung baga, isang komunidad ang nabubuhay sa kanya. Bawat isipin at gawin ng bayani ay para sa kanyang komunidad at mga kasama sa komunidad.
Sa epiko ni Tulalang, halos palaging makikita ang mandirigmang si Tulalang na mag-isa sa kanyang mga paglalakbay at pakikipaglaban. Hindi katulad ni Handiong na halos palaging kasama si Baltog, o kaya si Agyu naman na palaging kasama ang kanyang pinamumunuang komunidad, ay halos palaging nag-iisa si Tulalang. Gayunpaman, si Tulalang ay nakikipaglaban para sa kapakanan ng kanyang kaharian. Naglalakbay siya para sa kapakinabangan pa rin ng kanyang komunidad. Sa pag-iisa ni Tulalang ay dala niya ang buong komunidad. Pinatay niya ang kinatatakutang higanteng agila at ang dragon upang hindi nito mapinsala ang kanyang kaharian at ang iba pang mga kaharian. Sa pag-iisa ng bayani, ang ninanais pa rin niya ay ang pumorotekta, lalo na ang protektahan ang kanyang sariling komunidad o bayan.
Sa epiko ng Nalandangan, makikitang naglakbay si Matabagka, ang kapatid ng bayaning si Agyo, patungong kalangitan patungo kay Ibununga, ang diyos ng hangin at tagapangalaga ng taklubu—isang bagay na naglalaman ng malakas na ipu-ipo. Nais sakupin ni Ibunuga ang kanilang kaharian at kapag natuloy iyon, maaaring mawala na lamang ang kaharian ng Nalandangan dahil sa makapangyarihang taklubu nito. Dahil doon, napagdesisyunan ni Matabagka na maglakbay at puntahan si Imbunuga upang makuha sana ang taklubu nito nang hindi na ito magtagumpay pa sa pananakop sa kanilang kaharian. Makikita na ang dahilan ng paglalakbay ni Matabagka ay para sa kapakanan ng kanyang bayan. Sa kanyang paglalakbay, ang iniisip niya ay ang kanyang bayan. Mag-isa nga lang siya sa paglalakbay, ngunit dala niya ang buong komunidad sa misyong kaakibat ng kanyang pag-alis.
Ganoon rin ang anak ni Agyu na si Tanagyaw. Bilang batang bayani, umalis siya ng bayan upang mas maipagtanggol ito sa mga moro na patuloy ang pag-atake sa kanilang kaharian. Binibigyang karangalan rin niya ang kanilang kaharian mula sa kanyang pagtulong at pagtatanggol sa iba pang mga kahariang nadadaanan sa paglalakbay. Ang pag-iisa ng bayani sa paglalakbay ay dulot ng kanyang kaharian. Sa kanyang pakikipagsapalaran ay ang buong kaharian pa rin ang nasa isipan niya.
Katulad ng pag-alis sa bayan ng mga nabanggit na etno-epikong bayani at iba pang hindi naisali, ang pag-alis ng ‘bayani-pinuno’ ay nakaangkla sa isang misyon para sa bayan. Ang ‘bayani- pinuno’ ay maaaring umalis sa kanyang bansa at malayo sa kanyang grupong kinabibilangan ngunit hindi maaaring ialis sa kanyang puso ang bayan at ang mga kalahing iniwan.
Makakatanggap ang bayani ng isang mahiwagang bagay. Sa modernong panahon, hindi na uso ang isang ‘mahiwagang bagay’. Maaari ngayong tumukoy ito sa napakaraming bagay na hindi mahiwaga.
Maaari itong tumukoy sa mga mas abstraktong bagay tulad ng tapang at lakas. Sa Guman ng Dumalinao naipamalas ni Pailalam ri Bolak ang katapangan at katatagan sa pakikipaglaban sa kabila ng pagiging isang magandang prinsesang wala namang kaalam-alam sa pakikipaglaban at hindi nagkaroon ng kahit anong pagsasanay militar. Sa kabila nito, kataka-taka kung saan niya hinugot ang tapang upang kalabanin ang mga kaaway, kung papaano siya lumakas upang makayanang labanan ang mga sundalong mananakop at hindi mamatay sa kabila pa nito. Masasabing ang “mahiwagang bagay” na natanggap ni Pailalam ri Bolak ay ang kombiksyon na lumaban. Maaaring ang matanggap na bagay na makatutulong sa paglalakbay ay isang kakaibang lakas at tibay ng loob at/o kalakasang pang-katawan. Hindi siya gumamit ng mahiwagang bagay.
Maaari rin itong tumukoy sa isang matinding pagsasanay na nakamit mula sa mga magulang o mula sa kung sino pa. Sa Agyu, mamamalas na ang matinding pagsasanay mula pa lang pagkabata na ibinigay ni Agyu sa anak na si Tanagyaw ay naging malaking tulong sa naging mga paglalakbay at pakikipagtuos nito. Dahil sa pagkatuto ni Tanagyaw mula sa matinding pagsasanay ng ama, madali niyang natalo ang mga hukbo ng iba’t ibang kahariang mananakop. Masasabing ang “mahiwagang bagay” na natanggap ni Tanagyaw ay ang matindi at mahabang pagsasanay sa pakikipaglaban. Higit sa lahat at pinakamahalaga, ang “mahiwagang bagay na matatanggap” sa kasalukuyang panahon ay dapat na tumukoy sa ‘isang matinding pagsasanay.’ Sumakatwid, hindi gumamit ng mahiwagang bagay si Agyu at ang mga kasama—nagsanay silang mabuti at nag-isip ng mga paraan para mapagtagumpayan ang mga hamong nakaamba sa kanila.
Sa kasalukuyang panahon, nararapat na sabihing nakahihiya para sa isang ‘bayani-pinuno’ ang pag-asa sa isang “mahiwagang bagay”—mahiwagang bagay sa literal na kahulugan nito. Ang “mahiwagang bagay” sa kasalukuyan ay paghahalo at balanse sa pagitan ng sariling pagnanais (will) at pagkilos mula sa diyos o kalikasan (supernatural aid). Ika nga, “nasa diyos ang awa at nasa tao ang gawa.” Dapat na ikahiya ng ‘pinuno-bayani’ ang pag-asa sa himala. Batid ng ‘pinuno-bayani’, katulad nila Pailalam ri Bolak, Agyu, Tanagyaw, at iba pang mga bayaning etno-epiko na hindi na nabanggit, ang kahalagahan ng sariling pagkilos. Pinagpapasiyahan at pinaghihirapan ng ‘bayani-pinuno’ ang “mahiwagang bagay” na makatutulong sa kanya sa paglalakbay.
Dadalhin o pupunta ang bayani sa pook kung saan naroroon ang isang hinahanap, na karaniwan ay isang mahal sa buhay. Kaugnay ito ng pinakaunang nabanggit na bahagi ng anda. Aalis ang ‘bayani-pinuno’ para sa isang misyon—maaring upang hanapin ang sarili at personal na misyong panghabambuhay at dalhin ito pauwi upang makatulong sa bayan; maaaring upang hanapin nga ang isang mahal sa buhay at iligtas ito; o maaring upang humanap ng bagay na maaaring kapulutan ng aral ng buong komunidad.
Sa epikong Ibalon, naipamalas ni Handiong at ng mga kasama ang pagpunta sa isang pook kung nasaan naroon ang hinahanap-hanap—ang lupain ng kasaganaan. Ayon sa epiko, ang hinahangad-hangad nilang lupain ng Ibalon ay isang lupaing napaganda at napakasagana. Isang pangakong lupain umano ang lupaing ito.
Kaugnay ng epikong Ibalon, maaaring iangkop ang bahaging ito sa kasalukuyan bilang paghahanap nga at tugon sa nawala nang imagined community at pagnanais makabuo ng isang nasyon o Bansa. Hindi na kailangan pang hanapin ang ‘ipinangakong lupain’ dahil hindi maitatangging tunay na ipinangakong lupain ang Pilipinas. Gayunpaman, ang bahagi ng andang ito ay maaaring tumukoy sa mas abstraktong bagay—sa tatlong mas tiyak na paghahanap na makabuluhan para sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon—na tatalakayin sa susunod na anda.
Magsisimula ang bayani ng isang labanan. Sa pag-alis pa lamang ng bayani-pinuno sa kanyang bayan ay nagsimula na siya ng isang labanan. Sa pagpunta pa lamang niya sa ibang pook kung nasaan naroon ang isang kailangang kagamitan o isang mahal sa buhay ay nagsimula na siya ng isang hamon. Gayunpaman, hindi natatapos ang anda ng isang ganap ng pinuno-bayani dito.
Hindi lamang tumanghod sila Handiong, Bantong, at mga kasama nang marating ang ipinangakong lupain ng Ibalon. Sa pagsapit nila sa lupain kung nasan naroon ang lahat ng kanilang hinahanap ay kinailangan na rin nilang magsimula ng isang laban—laban upang angkinin ang lupaing hinahangad-hangad, sapagkat puno ito ng mga halimaw na dapat paslangin.
Hindi lamang naupo sila Agyu sa pagsapit nila sa kaharian ng Nalandangan, ang nasakop nilang kaharian. Nagsimula rin sila ng laban upang mapasakanilang muli ang kaharian. Kinailangan nilang lumaban upang matubos muli ang kahariang nasakop.
Sa andang ito, may elemento na ng paglaban at pagkuha sa bagay na naroroon sa lugar na napuntahan o pinuntahan. Kakatuwa naman kung hindi pa kukunin ang isang bagay na hinahanap na nahanap na, lalo na sa isang bayani-pinuno.
Katulad ng sa epikong Ibalon at epiko ni Agyu, kailangan rin na magsimula ng laban ang isang ideyal na pinuno-bayani sa kasalukuyan. Katulad rin ng nabanggit kanina, maaaring tumukoy sa mga mas tiyak na bagay na pawang abstrakto at makabuluhan para sa pagbuo ng Bansang Pilipinas sa kasalukuyang panahon ang laban ng isang ideyal na pinuno-bayani. Ang mga ito ay:
Una ay ang pagpunta ng bayani-pinuno sa isang pook kung saan naroroon ang pagsasanay. Maaaring pagsasanay militar ito, ngunit ang kahingian ng kasalukuyang panahon ng modernisasyon ay intelektuwal na pagsasanay. Hindi na lamang sa espada o kanyon natatapos ang lahat ng pakikipagtunggali. Sa panahon ngayon, ang lahat ng bagay at pakikipagtunggali ay nangangailangan ng mataas na pakikipagtagisan ng talino. Para manalo sa isang digmaang militar ngayon, kailangan na may mataas na antas intelektuwal ang hukbo. Upang mabuhay ng maayos ang isang magsasaka, kailangan niyang mag-aral nang mag-aral at mapagyaman ang kaalaman sa lahat ng agham na may kinalaman sa pagsasaka. Sadyang sa panahon ngayon, ang lahat ay nagpapagalingan sa larangang inteletuwal. Ang hindi makasabay ay maaapi—kakayan-kayanan na lamang ng mga mas matalinong bansa. Kaya naman pupunta ang bayani-pinuno sa lugar kung saan naroon ang magandang kalidad ng edukasyon, kung saan talagang mahahasa ang kanyang kakayahan. Mag-aaral siya nang mabuti upang hindi matalo sa mas tumitinding intelektuwal na labanan ng iba’t ibang bansa lalo na sa Asya[25]. Ang bayani-pinuno ng kasalukuyang panahon ay pupunta sa isang lugar upang hanapin ang mataas na edukasyon—ang kaalaman at pagkatuto—na kanya namang dadalhing pabalik sa Bansa dahil makatutulong ito.
Ikalawa at kaugnay ng nauna, pupunta ang bayani-pinuno sa mga mas maunlad at mas modernisadong lugar upang mula doon ay makapag-uwi ng mga modernong kagamitan na maaaring magsilbing basehan o inspirasyon sa mga pagkatha at imbensyon na siyang kinakailangan naman ng isang bansang papaunlad pa lamang.
Higit sa lahat at pinakamahalaga, pupunta ang pinuno-bayani kung saan naroroon ang hinahanap na mahal sa buhay—na sa kasalukuyang panahon ay maitutumbas sa mga Pilipinong nangibang bansa. Dahil sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga OFW sa ibang bansa at dahil sa nakalulungkot na hilahan pababa at pagkawala ng pagka-Pilipino ng mga Pilipinong nanirahan na sa ibang bansa, pupunta ang pinuno-bayani sa pook kung nasaan sila at kukumbinsihin silang bumalik na sa bansa. Gagawa siya ng mga paraan at tugon upang mapabalik ang nasasakupan sa ‘tinubuang lupa.’ Ililigtas niya ang mga ito mula sa pagiging mga “lagalag na ligaw”. Susunduin niya ang mga ito at dadalhing pabalik ng bansa upang maging kabahagi na ng isang grupo, upang makasali at makatulong sa kinakailangang pagbubuo ng Bansa.
Makikipaglaban ang bayani nang matagalan. Sa mga etno-epikong Pilipino, tumutukoy ang bahaging ito sa pakikipaglaban ng bayani-pinuno sa mga kaaway sa loob ng sampung araw, isang buwan, o pitong taon. Dito, tinutukoy ng anda ang elementong hyperbolic ng etno-epiko.
Gayunpaman, maaari itong tingnan sa ibang paraan.
Sa pakikipaglaban ng mga etno-epikong bayani, batid nila na hindi matatapos sa loob ng isang oras lamang ang tunggalian. Nakahanda sila sa isang labang pangmatagalan kaya naman natagalan nga nila ang labanang tumagal ng matagal na panahon. Handa silang makipaglaban nang matagalan upang hindi matalo. Sa paglaban ng pinuno-bayani, handa siyang batain ang labanan kahit pa maging gaano katagal tumagal ito, basta’t hindi lamang siya matalo.
Sa Guman ng Dumalinao, hindi tumigil sa pakikipaglaban si Pailalam ri Bolak kahit pa pagod na pagod na siya at halos mamatay na sa hirap. Binata niya ang sobrang pagod ng katawan at tinagalan ang hapdi ng mga sugat sanhi ng mahabang oras ng pakikipaglaban Tumigil lamang siya nang tuluyan nang mahuli ng mga sundalong kaaway.
Sa epikong Ibalon naman, maging sila Handiong, Bantong at mga kasama ay hindi sumuko sa kabila ng maraming pakikipaglaban sa iba’t ibang halimaw para lamang tuluyang maangkin ang mapanganib ngunit biniyayaang lupain ng Ibalon, kasabay pa ng mga pakikipaglaban sa mga bagyo, baha, at pagsabog ng bulkan.
Habang sa epikong Agyu, sila Agyu, Tanagyaw at mga kasama ay nakipaglaban rin ng matagal sa mga kaaway na sumakop sa kanilang kaharian. Nagtayo sila ng isang pansamantalang tanggulan sa bundok kung saan doon sila nagtatago at gumagawa ng mga hakbang upang matalo ang mga kalaban. Sa lugar na iyon sila nagsanay, gumawa ng mga taktika upang matalo ang mga kalaban, at nakipagdigma sa mga kalaban. Nakipaglaban rin sila nang matagalan upang makuha lamang ang bagay na hinahanap. Sa epiko ng Nalandangan naman, humanap ng maraming paraan si Agyu upang makuhang muli ang kanyang kaharian na sinakop ng isang datu dahil sa itim na mahika nito. Naging matagal ang paghahanap na ito ng paraan at paglaban.
Kaya’t katulad sa mga pakikihamok ng etno-epikong bayani upang makamit ang tagumpay, ang isang ideyal na pinuno-bayani ng kasalukuyang panahon ay kailangan rin na mabatid na ang pagbuo ng Bansa ay hindi nakakamit sa isang tulog, isang taon, o isang termino lamang. Kadalasang nagbubunga nang paunti-unti ang bawat hakabangin sa pagbuo ng Nasyon matapos pa ang dalawang henerasyon. Karaniwan, ang pagtatagumpay sa pagbuo ng Bansa ay nakakamit lamang matapos ang daan-daang taon, depende pa iyon sa iba’t ibang mga salik. Kaya naman ang isang ideyal na pinuno-bayani ay lalaban nang matagalan—ng buong buhay niya kahit pa malamang-lamang ay hindi na niya makikita pa ang pagtatagumpay na hatid ng laban—basta’t hindi lamang siya papatalo.
Ang dalawang kasunod: pipigilan ng isang diwata ang labanan at ibubunyag ng diwata na magkamag-anak pala ang bayani at ang kanyang kaaway ay binura ko na sa aking paglikhang-muli ng anda ng Propp. Para sa akin, hindi na akma ang tema nito sa kasalukuyang kahingian ng Pilipinas. Unang una, wala nang diwata sa kasalukuyang panahon—ang diwata ay para lamang sa mga batang naglalaro. Ikalawa, ang kasalukuyang pinuno-bayani ay hindi na nangangailangan ng ‘mahiwagang bagay’ o ‘diwata’ upang makalaban at makapagpatigil ng laban.
Higit sa lahat, kung ilalagay ang pakahulugan ng mga bahaging ito ng anda sa kasalukuyang konteksto ng Pilipinas, makikitang ang ‘diwata’ na siyang tagapagpigil sa labanan ng etno-epikong bayani ang siyang diwatang Estados Unidos naman tagapigil sa laban ng pagbuo ng Bansa ng mga Pilipino. Maraming paraan ang Estados Unidos sa pagbubunyag ng kung anu-anong politikal at lubhang masalimuot na usapin na siyang pumigil sa pagpapanalo ng laban ng mga nagdaang pinuno-bayani. Kaya naman, talagang hindi makabuluhan ang andang ito para sa ngayon dahil hindi na kailangan ng Pilipinas ng isang diwata. Kaya na nitong tumayong mag-isa. Sa parehong paraan, ang ideyal na pinuno-bayani ng kasalukuyang panahon ay hindi na nangangailangan pa ng kapangyarihan o bulong ng diwata. Ayaw na niya sa diwata dahil sinisikil lamang nito ang pag-unlad ng kanyang kakayahan bilang taong kaisa ng kalikasan at nilikha ng Maykapal. Wala nang diwa-diwata pa sa kasalukuyang pinuno-bayani.
Mamamatay ang bayani at mabubuhay muli. Maaaring mangyari ang bahaging ito na kahiwalay o kasali ng iba pang mga anda. Maaaring mamatay ang pinuno-bayani at mabuhay muli nang kaugnay o hindi ng mga pangyayari sa ibang mga bahagi ng anda.
Kung sa mga etno-epiko ay tumutukoy ito sa literal na pagkamatay at pagkabuhay ng etno-epikong bayani, sa kasalukuyang panahon naman ay tumutukoy ito sa mas simbolikong kahulugan ng pagkamatay ng pinuno-bayani sa kanyang sarili at pagkabuhay para sa kapakanan ng kanyang nasasakupan.
Sa mga etno-epikong Pilipino, hindi maitatangging ang halos lahat ng paggalaw, desisyon, at paglaban ng pinuno-bayani ay nakabatay sa pangangailangan ng kanyang nasasakupan. Sa ganitong paraan, patay na siya sa kanyang sarili dahil sa hindi na niya ito naisip at pinahalagahan pa.
Katulad ng pagkamatay at pagkabuhay ng mga etno-epikong bayani, ang kasalukuyang ideyal na pinuno-bayaning Pilipino ay kinakailangan na rin na mamatay sa sarili—sa mga sariling interes at sa kawalang malasakit sa mga kababayan—isang kahingian upang matawag ang pinuno na ‘bayani’ at upang ang bayani naman ay maging tunay na ‘pinuno.’
Babalik ang bayani sa kanyang bayan. Sa pagkamatay ng mga etno-epikong bayani-pinunong Pilipino sa sarili ay nabuhay naman ang isang pamayanan. Sa pagkapatay naman sa indibidwalistiko at maka-Kanlurang pag-iisip ng pinuno-bayani ay ang pagbabalik nito sa kanyang bayan. Kaya nga kailangang kailangan na mapatay ang namamayaning pagka-indibidwalistiko at pagiging makasarili ng pinuno-bayani upang bumalik na ito sa bayan. Mahalaga ang isang napakahaba at patuloy na de-kolonisasyon sa lipunang Pilipino.
Kaya’t katulad ng mga bayaning etno-epiko, ang ideyal na pinuno-bayani ng kasalukuyang panahon ay iyong pinuno-bayaning bumalik na sa kanyang bayan bilang literal na pakahulugan at pagbalik sa kanyang bayan bilang pagbalik niya ng lahat ng tiwala at lakas para sa bansa. Dapat ay tunay siyang nagbalik at nagbalik-loob sa bayan. Kapag nakamit na ito ng bayani-pinuno ng bansa—at patuloy na naipamalas sa pamamagitan ng mga naunang bahagi ng anda—tunay na masasabing namatay at nabuhay na muli ang pinuno-bayani at natupad na ng bayani ang pinakamahalagang bahagi ng anda sa pagkahubog sa kanya bilang ideyal na pinuno-bayaning Pilipino—nagpakasal na ang siya, sa kanyang Bansa.
Kaya’t sa lahat-lahat ng ito, ang ideyal na pinuno ng bansa ay may matibay at tiyak na pundasyong naka-ugat sa Pagmamahal sa Bansa. Nakabuo na ng isang bagong mukha bilang mungkahi ng ideyal na pinuno ng bansa sa kasalukuyang panahon sa pagbubuo ng Bansang Pilipinas.
PAGLALAGOM
Nais ipakita ng papel na ito ang isa sa libu-libong paraan ng pagbubuklod sa iba-iba ngunit iisang mga rehiyon sa Pilipinas—bilang pagkakapantay-pantay ng iba’t ibang etno-lingguwistikong grupo sa bansa at pagbubuo ng Bansang Pilipinas, at bilang kontra-gahum sa namamayaning kultura at kaisipang maka-Kanluran—isa sa napakaraming tugon sa pagde-kolonisa ng isang bansang nasakop at “nawalan” ng pagkakakilanlan. Isa rin lamang itong pagbubukas sa maraming posibilidad sa pampanitikang landasin ng Pilipinas bukod na lamang sa pag-aaral at pagtuon sa mga akdang nakasulat sa Tagalog, Espanyol o Ingles. Ang pagbubukas sa isa sa naparaming pananaw tungkol sa kultura at pagkakakilanlang Pilipino ang isa sa pinakamahalagang adhikain ng panimulang pag-aaral na ito.
Tunay ngang marami pang dapat isagawang pag-aaral tungkol sa usapin ng de-kolonisasyon at pagbuo ng Bansa. Sa larangan ng edukasyon, ang mga pag-aaral ng mga akdemya tungkol sa Pilipinas at sa mga Pilipino, lalo na sa mga usaping sumasaklaw sa opresyon at marihinalisasyon, ay napaka-limitado pa. Napatutunayan ito ng natutulog na iskolarship sa epikong Pilipino. Kaugnay nito, lalo pang pinatutunayan ng patuloy na pamamayani at paglago ng mga maka-Kanlurang akda at kultura sa bansa ang labis na pagtuon sa mga ito. Habang mas tumatayog ang kalinangang Pilipino sa modernistikong katuturan, mas lalong nawawalan ng ugat ang mga Pilipino. Sadyang kulang na kulang sa pag-uugat sa sariling kultura ang mga gawain sa ating bansa.
Kaya naman tunay ngang malayo pa ang bansang Pilipinas sa mga maunlad at “modernong” bansa na katulad ng bansang Tsina, Korea, at Hapon. Malayo na rin ang antas ng bansang Pilipinas sa mga kapit-bahay na bansa sa Asya katulad na lamang ng Malaysia, Indonesia, at Vietnam. Habang ang mga bansang ito kasi ay napagtagumpayan na ang pagbuo nito ng Bansa at pinagkakaabalahan na kung paano makasasali sa mga bansang maunlad, ang Pilipinas naman ay nasa yugto pa rin ng paghahanap ng sariling kaakuhan, pagkakakilanlan, at ng tunguhing Pambansa[26].
Gayunpaman, sa patuloy na “paghukay”, pag-aaral, at pagtataguyod sa mga likas na yaman—lalo na ang likas na kultural na yaman ng bansa—ang pag-ahon ay hindi imposible. Sa patuloy na pagsusumikap na maiangat ang sariling yaman at sariling kaakuhan ng bansang Pilipinas ay makakamit rin ang ‘hinahangad-hangad na sariling landasin bilang isang bansa.’ Sa patuloy na pagtugon sa mga suliranin ng bansa ay naniniwala akong unti-unti rin mareresolba ang mga ito. Ngunit sa ngayon, kailangan munang magsumikap na humukay nang humukay at buhayin ang mga Araling Pilipino na magbabalik sa nasirang ‘kaakuhan’ ng mga Pilipino bilang isang lahi. Upang maggawa ito, kailangang pag-isipang mabuti ang mga epektibong paraan upang maipaabot sa mga pangakaraniwang tao ang layunin ng mga pag-aaral na maka-Pilipino, sa paraang tatatak sa kanila, sa mga paraang makabuluhan sa kanila at sa kasalukuyang lipunang ginagalawan nila. Kailangang maipagdugtong ang mga kultural na aspetong Pilipino sa lipunang kinapapalooban nito. Kailangang maidugtong ang kulturang Pilipino—na madalas ay nasa ‘margin’—sa galaw ng kulturang popular, upang maabot nito ang puso ng mga tao, sa pamamagitan ng pagpapasok nito sa mga panlipunan at pampolitikang pangangailangan ng bansa. Kailangang gumawa ng unti-unti at patuloy na tugon sa mga usapin na ito na malaking salik sa pagiging “Isang Bansa” ng Pilipinas, at iyang ang naging pangunahing adhikain ng pag-aaral na ito.
Mga Sangunian:
Agoncillo Teodoro. History of the Filipino People, 8th ed. Quezon City: R.P. Garcia, c1990.
Conrado de Quiros, "Bracing for Balikbayans," in Flowers from the Rubble, Pasig, Metro Manila: Anvil Publishing, Inc., 1990.
Espinas, Merito B. A critical study of Ibalong: the Bikol folk-epic fragment. [Manila: s.n.], 1968.
Eugenio, Damiana L. Philippine folk literature: the epics. Quezon City: University of the Philippines Press, 2001.
Hidalgo, Crisitina Pantoja, Priscelina Patajo-Legasto. Philippine post-colonial studies: essays on language and literature. Quezon City: University of the Philippines Press, 2004.
http://www.bibingka.com/phg/Balikbayan/default.htm noong Oktubre 7, 2010
Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation/ Pag-akda ng Bansa. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000.
Nitobe, Inazo. Bushido: The Soul of Japan. Tokyo: Tuttle Publishing, 1996.
Yu, Rosario Torres. Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006.
[1] Mula Theory of use and disuse ni Lamarck
[2] Mula sa personal na karanasan ng isang kaibigan na kasalukuyang nagtatrabaho sa Department of Foreign Affairs. Ang kaibigang ito ang pumirma sa mga dokumentong magpapahintulot sa prinsepeng Hapones na magsaliksik sa bansa. Sa pagtatanong ng aking kaibigan, ang mga ito nga ang natuklasan niya.
[3] Royce ang pangalan ng kanilang produkto
[4] Hindi ko matiyak kung ano ang pangalan ng kanyang kumpanya o produkto
[5] Mula sa isang impormal na pag-uusap at pagpapalitan ng aming kuro-kuro
[6] susuportahan mamaya sa Pag-aaral ng kaugnay na Literatura
[7](mediocre na binaybay sa paraang Filipino) Pinili kong gamitin ang salitang ito kaysa ‘katamtaman’ o ‘pangkaraniwan’ dahil natumbok ng salitang-hiram na ito ang saktong katuturan na nais kong iparating.
[8] O pag-aangkop sa mga etno-epikong Pilipino sa kasalukuyang panahon upang bumagay at maging kapaki-pakinabang ito sa mga kahingian at isinusulong ng modernong panahon—kabilang na nga ang pagbuo ng nasyon
[9] Bushido (way of the warrior); ang ‘code of conduct’ ng mga Samurai na siyang ugat ng kasalukuyang moral code and standards ng mga Hapones maging hanggang sa kasalukuyang panahon.
[10]Isinulat ito ni Inazo Nitobe gamit ang pagsusuri sa Bushido ng mga Samurai at panahon ng pyudalismong pinagdaanan ng bansang Hapon, upang makapagbigay-sagot sa mga dayuhang labis ang pagtataka sa matibay na moralidad ng mga Hapones.
[11] Post-colonial (adj) -“of, relating to, or being the time following the establishment of independence of a colony”(Encarta,2007)
[12] Tumutukoy sa pulitikal na organisasyon, kulturang pagkakaugnay-ugnay at ideolohiya ng Estados Unidos, Europa, at Australya
[13] salin sa Filipino ng hegemony
[14] Ang mga nasa tabihan o margin, o sa mas malawak na pagtingin, ang mga nasakop/naging kolonya
[15] Bushido(“The Way of the Warrior”) ay ang batas moral ng mga Samurai na ipinasa-pasa lamang sa pamamagitan ng tradisyong pasalita. Naisulat lamang ito noong 1969, at naipaikot pa sa kalakaran, sa pamamagitan ng aklat na Bushido, the Soul of Japan ni Inazo Nitobe.
[16] “Japan has voluntarily taken into its heart the ways of Western society, rather than being forced upon it. Nitobe concludes, "Bushido as an independent code of ethics may vanish, but its power will not perish from the earth; its schools of martial prowess or civic honor may be demolished, but its light and glory will long survive their ruins. Like its symbolic flower, after it is blown to the four winds, it will still bless mankind with the perfume with which it will enrich life” –Bushido the Soul Of Japan (p. 192)
[19] “imperyalistang Tagalog” nga ang naging taguri ng iba sa mga Tagalog
[20] Ayon sa artikulo ni Conrado de Quiros, isang mamamahayag: “…those balikbayans from America, who force us each year to make an apologia for the indolence of the Filipinos. They’re the ones who sally forth to bedazzle the natives. They queue up in East or West Coast airports with tons and tons of baggage, many of them containing groceries for relatives who can’t wait to have a taste of America.”
[21] halaw sa Si Lam-ang, si Fernando Poe Jr., at si Aquino: Ilang Kuro-kuro tungkol sa Epikong Filipino ni Isagani Cruz
[23] ipinahiwatig rin sa Mi Ultimo Adios
[24] Puwedeng pagpalitin: ang ‘pinuno-bayani’ at ‘bayani-pinuno’ ay kapwa tumutukoy sa pinag-isang konsepto ng bayani at pinuno na halaw sa iisang konsepto ng bayani at pinuno mula sa mga epikong Pilipino
[25] Iminumungkahi ko ang pagbasa sa The New Asian Hemisphere: the Shift of Global Power from East to West ni Kishore Mahbubani.
[26] [26] Iminumungkahi ko ang pagbasa sa The New Asian Hemisphere: the Shift of Global Power from East to West ni Kishore Mahbubani.
|